TUNGKOL SA MUTYA AT ANTING ANTING ( Pandagdag Kaalaman)
1. Ano ang mutya at saan ito nakukuha?
Ang mutya ay singaw mula sa kalikasan. Lahat ng bagay sa mundo ay may mutya. Maaari kang makakuha nito mula sa mga halaman, prutas, puno, hayop, kidlat, ilog, bato, kuweba at iba pang bagay na likas na nilikha ng Diyos. Ang mutya ay lakas. At dahil sa ito ay lakas, ito ay nagtataglay din ng "galing". Ang galing na ito ang siyang maaaring i-tap ng mag-mamay-ari ng mutya.
2. Paano gumagana ang mutya?
Dahil sa ang mutya ay "likas", ito ay natural na ding gagana. Hindi na ito kinakailangan pang buhayin ng mga orasyon. Pero dahil ito ay "buhay", ito ay dapat na pakainin ng gatas isang beses isang buwan. Kailangang ibabad ang mutya sa isang mangkok ng gatas mula sa kalabaw o baka. Hindi maaaring ipakain sa mutya ang mga instant milk na mabibili sa tindahan.
3. Paano pangangalagaan ang mutya?
Oras na ikaw ay mag-may ari ng mutya, ikaw ay kikilalanin na nitong "amo". At bilang nag-mamay-ari, nararapat lamang na pangalagaan mo ang mutya upang ito ay magtagal sa iyo at hindi ka layasan. Narito ang mga "do's" and "dont's" sa pangangalaga ng inyong mutya:
a. Ang pinakaimportante: ilihim mo ang iyong mutya. Ibig sabihin, hindi mo ito dapat na ipagyabang kanginuman at ipangalandakan. Dapat ay ikaw lamang ang nakakaalam na mayroon kang mutya. Huwag na huwag mo itong ipapakita sa iba, ni kukunan ng larawan. Ayaw ng mutya na makipag-picture taking sa inyo. Natatawa ako sa ilang kakilala ko na kulang na lang ay magpa-interview sila sa CNN upang ipaalam sa buong mundo na sila ay may mutya. Maling mali ito. Sa sandaling ipaalam nyo sa ibang tao na kayo ay may mutya, asahan ninyong unti-unti na ding mawawala ang buhay at bisa nito.
b. Ayaw din ng mutya na sila ay hinahamon. Ibig sabihin, ayaw nila na susubukan mo ang kanilang galing. Ang ibang may mutya kasi, inilalagay nila ng kusa sa bingit ng kamatayan ang kanilang buhay para lamang masabi nila at matiyak na gumagana nga ang kanilang mga mutya. Naroong magpataga sila, magpabaril at magpasaksak sa pag-asang ililigtas sila ng mutya. Nagkakamali sila. Ang "galing" ng mutya ay lilitaw lamang sa sandali ng tunay na pangangailangan.
c. Sa sandaling mag may-ari kayo ng mutya, hindi na kayo maaaring uminom pa ng gatas, ni kumain ng mga pagkaing sinangkapan nito. Ang gatas ay pagkain lamang ng inyong mutya. Kaya, konting sakripisyo.
4. Ano ang pinagkaiba ng anting-anting sa mutya?
Malaki ang pinagkaiba ng mutya sa anting-anting. Ang mutya, natural ang galing nito at hindi na kailangang buhayin hindi kagaya ng anting-anting. Kung baga sa cellphone, ang anting-anting ay kinakailangan pang i-charge muna bago ito gumana at magamit. Dahil dito, kinakailangan ninyong pakainin ng mga orasyon at dasal ang anting-anting gabi-gabi.
5. Paano aalagaan ang anting-anting?
Kagaya ng mutya, ang Rule No. 1 sa pangangalaga ng inyong anting-anting ay ang "ilihim" mo ito. Dapat ay walang makakaalam na ikaw ay may anting-anting. Huwag mo itong ipagyayabang. Huwag mo itong gawing palamuti sa iyong katawan. Maaari mong ikuwintas ang mga anting-anting pero, ipaloob mo ito sa loob ng iyong damit. Huwag nyong gagayahin si Ramon Revilla sa kaniyang mga pelikula. Kaya nga pelikula...ibig sabihin, hindi ito totoo. Ang totoo, ayaw ng mga anting-anting na sila ay pinagyayabang.
6. May mga mutya na para sa pag-ibig (kagaya ng mutya ng papaya at sampaguita). Ano ang pinagkaiba nito sa "panggagayuma"?
Ang gayuma o "enchantment" ay isang teknik upang mapaibig mo ang isang taong ayaw sa iyo. Kapag sinabing teknik, ito ay isang sistematikong paraan na iyong susundin upang magawa mo ang gayuma. Samantala, ang mutya na may kinalaman sa pag-ibig ay natural na gagana na hindi na kinakailangang magsagawa pa ng mga proseso.
T
ReplyDeleteThanks
ReplyDelete